paalam
Parang kailan lang ay inaabangan ko ang paglipat ng headquarters na ito at maging dalawang kalye lang ang pagitan sa aming bahay. Matagal ko na kasing pinapangarap na mapabilang sa brigadang ito, yun nga lang may kalayuan at hindi daanin ang luma nitong lugar. At nalipat na nga sa malapit samin, ngunit dahil ako'y nasa kolehiyo pa ay pinigilan ko ang aking damdamin at inilaan muna ang oras sa pag-aaral (ows?). Sa ilang pagkakataon ay nakikigulo din ako dito; nakiki usyoso, nakikipag kwentuhan tungkol sa sunog at nakikinuod ng TV kapag wala nang mapag kwentuhan. Minsan nakikigamit din ako ng radyo para makasali sa ilang NetCall.Makalipas ang ilang taon ay naging karaniwang tanawin na lang sakin ang headquarters na ito; siguro'y kusang isinantabi ang bugso ng damdamin at naging parte na lang ng nakaraan ang lumang pangarap. Hanggang bigla na lang ulit itong nabuhay at bigla ko na lang naalala ang dating isinantabi. At ganun na nga, nagsimula na ang aking pagsasanay at nagsimula na din ang bagong takbo ng aking mga gawain: excited kapag gabi dahil baka may sunog; kapag nakadinig ng sirena ay agad dumudungaw o kaya naman ay nagbubukas ng radio o nagte-text para magtanong kung san ang sunog; natutong tumambay sa kalsada katabi ang fire truck; tumakbo na bitbit ang PPE para habulin ang fire truck; sumabit sa tumatakbong truck at; magpa cute habang nasa ibabaw ng fire truck. May nadagdag din sa aking termilohiya na dating sa silid aralan ko lang ginagamit o nababasa ko lang sa aklat: kupling, ppe, scba,psi, nozzle, flushing, flashover, back draft, task force alpha-bravo-...., 10-codes, paggamit ng numero bilang panghalip panao sa mga miyembro ng brigada at kung anu-ano pa. Masaya ang samahan sa brigada kasama na din ang ilang hindi pagkakaunawan sa pananaw at sa gustong channel sa TV (buti na lang at dalawa ang tv at dalwang channel lang ang pinag aawayan). Bukod pa sa food trip (balot, *.silog, chicharon, footlong, champorado, lugaw, pansit, at mga pagkaing galing sa kung sino man ang may handaan) at DVD marathon (mapa-series man o collection ng kung sinong lumang artista, documentary o kahit love story pa) na gawain ng lahat ay may sarili akong kinawiwilihan kapag nasa headquarters at ito ay ang mag online. Nakakasagap kasi ang headqua (nga pala ang headquarters ay tinatawag din naming hq o mas madalas headqua) ng hot spot mula sa hindi malamang mapagbigay na nilalang. Kaya't dinadala ko ang aking ThinkPad kapag duty ko at nagliliwaliw sa cyberspace sa forum, social network at blogs kahit na nag aabang ng sunog (syempre kapag dala ko ThinkPad wish ko walang sunog hehehehe). At syempre hindi mawawala ang chat na kadalasan ay bumbero din ang ka-chat ko mula sa ibang brigada at pinagyayabang kong hot spot ang hq namin hehehehe...
At ngayon wala na sya, tutuo nga naman kasing bawal sa pinag tayuan namin at kahit ilang signature campaign pa o sinong taga barangay o pamahalaang pang-lungsod pa ang sumuporta sa amin ay mali talaga. Mali din na isipan na sana ay masunugan ang mga gumiba sa hq dahil trabaho lang nila yun, ang nakaka asar lang sa kanila ay gusto pa nilang mambakal sa mga ginibaan nila. Hay! Buti na lang at sa kalibang kalye lang ililipat ang headqua. (",)

